Tuguegarao City- Inaasahan ngayon ang pagtaas ng demand ng imported pork sa bansa kasabay ng pagbaba ng supply ng karne ng baboy dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Kaugnay nito ay tiniyak ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang regular na monitoring at evaluation sa mga dumarating na angkat na karne sa Pilipinas.
Sa panayam kay Dr. Orlando Ongsotto, National Deputu Director for Regional Concern ng NMIS, kailangang tiyakin na ang mga pinagkukunan ng angkat na supply ng baboy sa bansa ay ligtas mula sa sakit.
Aniya, may team ang Department of Agricuture (DA) na nagtutungo sa mga bansang pinapayagang magpasok ng produktong baboy sa bansa upang personal na maglunsad ng evaluation at pagsusuri.
Inihayag niya na kabilang sa mga dapat tiyakin ay ang maayos na pasilidad o cold storage facilities at mga container vans na ginagamit sa pagbiyahe ng mga produkto.
Sa ganitong paraan ay makasisigurong ligtas na makarating sa bansa ang mga angkat na karne ng hindi agad nasisira at walang masamang epekto sa mga mamimili.
Paliwanag niya na ang hakbang na ito ng ahensya ay upang maprotektahan din mula sa kontaminasyon ng anumang sakit ng mga alagang hayop ang livestock industry ng bansa.
Ayon kay Ongsotto, ang pagbaba ng local supply ng karneng baboy ngayon sa Pilipinas ay dahil sa pag-depopulate o pagsasailalim ng culling procedures sa mga alagang hayop na una ng tinamaan ng ASF.
Gayonman, nagpa-alala rin siya sa mga mamimili na maging mapanuri sa mga binibiling karne upang makaiwas sa kontaminasyon at sakit maaaring maidulot nito sa kalusugan.