Nailigtas ng undercover operatives ang dalawang sanggol, na umano’y ibinebenta online ng kanilang sariling mga ina.

Noong January 20, nailigtas ang isang taong gulang na lalaki sa Quezon City ng mga pulis mula sa PNP Women and Children Protection Center (WCPC).

Nagresulta ito sa pagkakahuli sa buntis na ina ng sanggol na 26 anyos, na sinubukang ibenta ang anak sa halagang P25,000.

Ayon kay WCPC chief Police Brig. Gen. Sheila Portento, ang ina ay may pitong anak.

Noong January 21, isa pang entrapment operation ang isinagawa sa Batangay City na nagresulta sa pagkakaligtas sa tatlong buwang sanggol na lalaki, na ibinebenta naman umano ng ina sa halagang P75,000.

-- ADVERTISEMENT --

Nahuli din ang ina ng sanggol na 26 anyos na kagagaling mula sa Vietnam kasama ang anak.

Sinabi ng ina na kailangan niyang maibenta ang anak dahil babalik siya sa Vietnam para magtrabaho.

Agad na ipinasakamay ang mga sanggol sa social workers habang ikinulong ang kanilang mga ina sa Camp Crame.

Mahaharap ang dalawa ng habang buhay na pagkakabilanggo dahil sa paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, as well as Child Trafficking under Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkaalarma ang WCPC sa tumataas na kaso ng mga ibinebentang mga sanggol.

Ayon sa WCPC, noong 2024, may nailigtas na limang sanggol habang walo nitong 2025, at ngayong Enero ay tatlo na ang kanilang nailigtas.