
Inaasahang mararamdaman sa susunod na anihan ng palay ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng abono, ayon sa Federation of Free Farmers Cooperative (FFFC).
Sinabi ni FFFC national manager Raul Montemayor na nagsimula na ang pagmahal ng abono sa merkado, kung saan may ilang uri na umano ang nagdoble ang presyo.
Ipinaliwanag niya na ang kasalukuyang inaani ng mga magsasaka ay mula sa panahong mas mababa pa ang halaga ng abono, kaya hindi pa lubos na nararamdaman ang epekto ng pagtaas nito.
Gayunman, inaasahang mas mararamdaman ang epekto sa susunod na taniman at anihan, dahil gagamit na ang mga magsasaka ng mas mahal na abono.
Ang pagtaas ng presyo ay iniuugnay sa pagmahal ng langis, na isa sa pangunahing salik sa produksyon at distribusyon ng abono.
Dahil dito, nangangamba ang grupo na posibleng tumaas din ang gastos sa produksyon ng palay, na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng bigas sa mga darating na buwan.






