TUGUEGAGARAO CITY- May nakaupo ng bagong OIC President ng Cagayan State University.

Subalit bago ang pag-upo ni Julieta Paras, Director, Commission on Higher Education o CHED Region 2, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng abogado ni Dr. Urdujah Alvarado, presidente ng CSU na si Atty. Luis Donato Jr. at Atty. Honorato Carag, Administrative Officer ng CSU.

Ito ay matapos na kuwestyonin ni Atty. Donato ang pagtatalaga ng OIC president.

Binigyan diin ni Donato na iligal ang pagtatalaga ng OIC ng CSU dahil sa may kautusan ang Regional Trial Court Branch 6 na nagsasabing hindi dapat na maglagay ng OIC.

Bukod dito, sinabi niya na wala ring pag-apruba mula sa Board of Regents ang appointment ni Paras.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang tugon, sinabi ni Atty. Carag na ang sinunod lamang nila ang utos ng CHED en banc na kailangan na maglagay ng OIC ng CSU.

Sinabi niya na kinikilala nila ang resolution mula sa korte subalit kailangan din nilang sundin ang utos ng CHED.

Tinig ni Atty. Luis Donato Jr. at Atty. Honorato Carag

Gayonman, iginiit ni Atty. Donato na isang paglabag sa resolusyon ng korte ang ginawa ng CHED en banc.

Sinagot naman siya ni Atty. Carag na ang nasabing issue ay dapat na resolbahin na lamang sa korte.

Dahil dito, sinabi ni Donato na magsasampa sila ng contempt of court laban sa mga sangkot sa pagtatalaga ng OIC sa CSU.

Tinig ni Atty. Luis Donato Jr. at Atty. Honorato Carag

Kaugnay nito, sinabi naman ni Paras na legal ang pagtalaga sa kanya bilang OIC president.

Ayon sa kanya, ang pagkuwestyon sa kanyang pag-upo ang unang-una na kanilang reresolbahin.

Sinabi niya na kailangan ng magkaroon ng mamumuno sa CSU para sa kapakanan ng unibersidad at ng mga estudyante.

Tinig Julieta Paras

Sinabi naman ni Fr. Ranhilio Aquino, Vice President for Administrative and Finance ng CSU na susubukan niyang makipag-usap sa mga nagtalaga kay Paras bilang OIC para maresolba ang usapin.

Subalit, sinabi niya na kung ipagpupumilitan ng mga ito ang kanilang desisyon ay dadalhin na nila ito sa korte.

Idinagdag pa ni Fr. Aquino na ang qou warranto petition na inihain laban kay Alvarado ay hindi pa umuusad dahil sa hindi pa binigyan ng pagkakataon si Alvarado na maibigay ang kanyang panig.

Gayonman, sinabi niya na bagamat tinanggap nila ang kautusan ng CHED en banc ay hindi ito nangangahulugan na kinikilala nila si Paras bilang OIC president ng CSU.

Tinig ni Fr. Ranhilio Aquino