Tuguegarao City- Inaasahan ng Philippine Information Agency (PIA) Region 2 ang pagtalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa comprehensive recovery plan ng bansa laban sa COVID-19 sa isasagawa nitong State of the Nation Address (SONA).
Sa panayam kay Angelie Mercado, Officer-in-Charge ng PIA Region 2, nais aniya nilang malaman ang mga ilalatag na programa ng pamahalaan upang matulungan ang higit na mga naapektohan ng krisis dahil sa COVID-19.
Sinabi pa ni Mercado na ilan pa sa inaasahan ng ahensya sa SONA ay ang plano ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon, kalusugan at employment services.
Sa pamamagitan din aniya ng “road map recovery” na maaarig iprisenta ng Pangulo ay matutugunan ang mga problemang kinakaharap ng bansa dahil sa pandemya.
Sinabi pa nito na inaasahan pang paiigtingin din ng pangulo ang paglaban sa “fake news” lalo na sa mga online platforms.
Umaaasa pa ang nasabing ahensya na sa nalalabing dalawang taong panunungkulan ni pangulong Duterte ay makakabangon ang bansa at lalo pang umunlad sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan.
Samantala, nakatakda ring magsagawa ng Post-SONA Survey ang PIA sa pagtatapos ng SONA ni Pangulong Diterte upang malaman ang mga reaksyon at hinaing ng publiko.