TUGUEGARAO CITY-Sinimulan na ang pagtanggal ng sand bars sa ilog cagayan na sakop ng Barangay Dummun, Gattaran sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-region 2 bilang hakbang sa cagayan river restoration project ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Ismael Manaligod ng provincial environment and natural resources office (PENRO) Cagayan, ito’y matapos ang ginawang pagtanggal ng sand bars sa Brgy. Bangag sa bayan ng Lal-lo kung saan inilagay ang mga tinanggal na buhangin sa mga lugar na mababa at unang pinili ng LGU-Lal-lo.
Aniya, tinapyasan rin ang magapit narrows para lumuwag ang ilog at para mas mapadali ang pag-agos lalo na sa tuwing may malakas na pag-ulan.
Sinabi ni Manaligod, nakatakda silang magsagawa ng sand bars removal sa 19 sites mula sa mga bayan ng Alcala, Amulung, Iguig at sa lungsod ng Tuguegarao kung saan inaasahan itong matatapos ng tatlo hanggang anim na taon.
Nilinaw ni Manaligod seperate project ang kasalukuyang ginagawang sand bars removal sa Brgy. Buntun sa lungsod na ino-operate ng isang private contractor.
Bukod dito, patuloy din ang ginagawang pagpapalawak at pagpapalalim sa bukana ng ilog cagayan sa bayan ng Aparri at ang mga nahuhukay na quarry materials ay dinadala sa ibang bansa na babayaran ng karampatang halaga.
Tiniyak naman ni Manaligod na tanging quarry materials lamang ang kinukuha sa isinasagawang dredging na pakikibangan ng ibang bansa.
Samantala, sinabi ni Manaligod na kasalukuyan na ang kanilang ginagawang mapping para sa pagtatamnan ng mga punong kahoy sa gilid ng ilog cagayan na kasama pa rin sa proyekto para hindi na muling maulit ang nangyaring malawakang pagbaha sa probinsya at bilang pag-aalaga sa inang kalikasan.