Magsasagawa rin ng mga kilos protesta ang grupong Migrante International sa ibat-ibang panig ng mundo, kasabay ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Gilda Banugan ng Migrante-International, Taiwan Chapter na nakasentro ang rally sa panawagang tuluyan nang tanggalin ang Overseas Employment Certificate (OEC) dahil dagdag na gastusin lamang ito sa mga Overseas Filipio Workers (OFW).

Kinwestyon din ni Banugan kung saan napupunta ang pondo para sa OEC na mandatory document na iniisyu ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga balik manggagawa.

Maliban sa pagtanggal ng OEC, may ilang bayarin ng mga OFW ang kanilang isinama sa kahilingan na tanggalin ng Pangulo tulad ng sapilitang paniningil ng P2,400 kada buwan para sa Social Security System.

Kasama din ang ilan pang mga isyu ukol sa pangangalaga ng mga Pilipino na nasa labas ng bansa at pagtulong sa mga stranded OFW na nakaranas ng pang-aabuso sa kanilang amo lalo na sa middle east.

-- ADVERTISEMENT --