Kinilala ni Education Secretary Sonny Angara ang mga kakulangan sa implementasyon ng senior high school (SHS) curriculum sa ilalim ng K to 12 program.
Gayunpaman, sinabi niya na nasa Kongreso ang pagpapasiya kung itutuloy o hindi na ang nasabing programa.
Reaksion ito ni Angara sa inihain na panukalang batas ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na humihiling na magpatupad ng rationalization sa basic education system sa bansa sa pamamagitan ng pagtanggal sa SHS.
Sinabi ni Esrtrada na bigo ang nasabing programa na makamit ang hangarin nito na magkaroon ng skilled at job-ready graduates 12 taon matapos na maisabatas ang Republic Act No. 10533, o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.
Sinabi ni Angara, na nagsilbing senador bago siya itinalaga na kalihim ng Department of Education (DepEd), na nakatakdang magpatupad ang kagawaran ng mga pagbabago sa SHS sa School Year 2025-2026, sa pamamagitan ng pilot run ng binagong SHS curriculum.
Inamin ni Angara na hindi naging maganda ang implementasyon ng SHS nitong nakaraang dekada, dahil sa masyadong maraming subjects at hindi makapili ang mga mag-aaral.
Ang susunod na pasukan ay sa June 16, 2025 at magtatapos sa March 31, 2026.