Inihayag ng isang constitutional law expert na ang pagtanggal sa constitutional term limits para sa elective posts ang pinakamabisang paraan para malabanan ang political dynasties.

Duda si Amado Valdez, dating dean ng University of the East College of Law sa mga nakabinbin na panukalang batas na humihiling na ipagbawal ang political dynasties sa bansa para makatugon sa constitutional mandate.

Sinabi ni Valdez na likas na sa tao na gustong kumapit sa kapangyarihan, at kung walang term limits, mananatili ang isang public official sa puwesto hanggang sa siya mismo ang sisira sa kanyang sarili.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga kongresista at local government officials ay maaaring magsilbi ng hanggang tatlong magkakasunod na termino, maliban sa barangay officials, na ang eleksyon ay itinatakda ng Kongreso.

Ang mga Senador naman ay maaaring magsilbi ng dalawang magkasunod na anim na taon na termino, habang ang Vice President at President ay mayroon lamang anim na taong termino.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Valdez na dapat na tanggalin na ang three-consecutive three-year term, dahil sa inihahanda lamang ng mga opisyal ang kanilang mga kamag-anak na papalit sa kanila.

Sinabi niya na kung walang term limits, hindi na kailangan na maghanda para sa succession, at itataguyod ng mga bata ang kanilang sariling karera.

Binigyang-diin niya na ang term limits ay anti-nature, anti-human nature, dahil sa gutom ang maraming tao sa kapangyarihan, hindi lamang sa pulitika kundi maging sa mga korporasyon.