Nagsimula nang tumanggap ng aplikasyon ang tanggapan ng Talaang Civil ng Tuguegarao City para sa libreng kasalan sa lungsod sa darating na February 20, 2020.
Ayon kay Caroline Mallillin ng Local Civil Registrar na naghahanda na ang tanggapan para sa taunang mass wedding o libreng kasalan na isinasagawa tuwing sasapit ang buwan ng Pebrero bilang itinuturing na Civil Registration Month at Buwan ng mga Puso.
Ibinahagi rin ni Mallillin ang mga requirements na kakailanganin para sa libreng kasal.
Una, kinakailangang kumuha ng CENOMAR o certifiticate of no marriage na mula pa sa PSA, na magpapatunay na wala pang record o hindi pa kailanman naikakasal.
Pangalawa, ay birth certificate para malaman ang edad ng mga ikakasal.
Sunod ay ang residence certificate na magpapatunay kung tubong Tuguegarao ang kahit isa sa ikakasal dahil hindi maaring magpatala ang dayo o ibang lugar.
Pang-apat ay death certificate para sa mga Biyuda/biyudo na gustong magpakasal na nagpapatunay na sumakabilang buhay na ang kanilang dating kinakasama.
Panglima ay ang Parental consent para sa 18-21 yrs old bilang patunay na pinahintulutan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ikasal.
Sagot ng lokal na pamahalaan ang handa at venue sa kasal habang ang mga requirements ay libre para sa mga 4Ps beneficiaries lamang.