TUGUEGAARO CITY- Hinikayat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga kabataang mag-aaral na mag-apply sa iniaalok na scholarship ng ahensiya.
Sinabi ni Dr. Ronaldo Libunao, focal person for scholarship program ng BFAR Region 2 na pinalawig hanggang katapusan ng kasalukuyang buwan ang pagtanggap ng aplikasyon.
Ngayong araw na ito kasi ang deadline ng paghahain ng applications.
Kaugnay nito, sinabi ni Libunao na nakakalungkot dahil hanggang ngayon ay wala pang nag-aapply para sa nasabing programa ng BFAR Region 2.
Sinabi niya na ang nakikitang nilang ilang dahilan nito ay dahil sa pagbabawal sa mga kabataan na lumabas ng kanilang mga tahanan dahil sa mga quarantine restrictions, ang sagabal sa pagpoproseso ng mga kailangang dokumento at maaaring walang nagkaka-interes na kumuha ng kurso na fisheries.
Sa kabila nito, patuloy ang kanilang paghikayat sa mga kabataang mag-aaral na mag-apply sa scholarship program dahil marami silang makukuhang benepisyo na makakatulong din sa kanilang mga magulang.
Sinabi ni Libunao na ang kailangan ng BFAR na scholars ay 20 na anak ng mga mangingisda, 3 honor students at tatlo na kabilang sa indigenous people.