Binatikos ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah “Eli” San Fernando ang pagtanggi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ilabas ang records ng mga nagdaang pagdinig nito habang binabalangkas pa ang patakaran para sa planong livestream ng proceedings simula sa susunod na linggo.

Para kay San Fernando, ang pagpili ng ICI na magsikreto sa publiko sa halip na isulong ang transparency at pananagutan ay senyales ng cover-up o may pinagtatakpan ito.

Punto ni San Fernando, bakit aniya ang daming palusot at hirap na hirap ang ICI na ipakita sa publiko ang proceedings nila gayong ang pagtatago at hindi naman ang transparency ang sanhi para makompromiso ang imbestigasyon nito ukol sa maanomalyang flood control projects.

Hamon ni San Fernando sa ICI, kung wala itong pinoprotektahan at pinagtatakpan ay buksan na nito sa publiko ang lahat ng mga record at hearing.

Ayon kay San Fernando, kung hindi ito magagawa ng ICI ay mabuti pang umalis na ito dahil dagdag-gastos lang sa mga manggagawa at ordinaryong Pilipino ang operasyon ng isang walang kuwenta umanong opisina gaya ng ICI.

-- ADVERTISEMENT --