
Iginiit ng legal counsel ng mga biktima ng drug war na si Atty. Kristina Conti na insulto sa mga pamilya ng mga nasawi ang naging depensa ni Senate President Alan Peter Cayetano sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Conti, ang paglarawan ni Cayetano sa kampanya bilang “pro-life” ay pagmamaliit sa mga biktima at sa kanilang mga naiwang pamilya, lalo na sa gitna ng kaso sa International Criminal Court (ICC) laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Bato dela Rosa.
Giit ni Conti, ang ganitong mga pahayag ay maaaring makaapekto rin sa mga kasong hinaharap ng mga sangkot sa ICC at posibleng magpatibay sa pananagutan ng mga ito.
Samantala, kasama si Cayetano sa mga pinagpapaliwanag ng NBI matapos umanong tulungan at hayaang makatakas si Dela Rosa sa kustodiya ng Senado noong Mayo 14 kasunod ng naganap na pamamaril sa compound ng kapulungan.









