Nirere-view na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang isang Executive Order na nagbabawal sa pagtatapon ng mga gulay sa gilid ng kalsada.

Ito’y kaugnay sa katugunan ng pamahalaan sa nag-viral na larawan ng hinog na kamatis sa social media na itinapon ng mga magsasaka dahil sa hindi nabenta dulot ng oversupply.

Ayon kay Jun Apostol, Officer-in-Charge Station Chief ng Nueva Vizcaya Experiment Station na natuklasan sa kanilang pagsisiyasat na ang mga itinapong kamatis ay pawang mga reject dahil maliliit at nabubulok na.

Paliwanag ni Apostol, karaniwang nangyayari ito dahil sa mahabang summer season kung saan lumiliit na ang bunga ng mga kamatis at madaling mahinog.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya ang mahigpit na quarantine checkpoints sa pagbiyahe ng mga gulay kung saan nadedelay ito hanggang sa mabulok na lamang sa biyahe.

Itoy bukod pa sa limitado lamang ang paglabas ng publiko sa kanilang bahay upang mamalengke dahil sa community quarantine at sumusubok pang-alternatibo sa kamatis.

Aminado naman si Apostol na dumoble ang volume ng kamatis na pumapasok at lumalabas sa Nueva Vizcaya Integrated Terminal (NVAT) dulot ng sabay-sabay na pagtatanim ng kamatis sa rehiyon dos at mga kalapit na rehiyon.

Dahil sa oversupply ay nagkaroon ng pagbaba sa presyo nito sa merkado.

Kaugnay nito, hinikayat ni Apostol ang mga magsasaka na upang mapalakas ang kita, sabayan ng pag-aalaga ng mga hayop ang pagtatanim ng mga gulay.

Sa pamamagitan ng pagbuburo ng vegetable waste products ay maaari na itong gawing fermented feeds na ipapakain sa mga hayop.

Habang ang mga dumi na galing sa mga hayop ay maaari namang gawing pataba o fertilzer sa lupa para sa mga tanim na gulay.