Tuguegarao City- Pinahahandaan ngayon ng Philippine Navy ang pagtatayo ng marine detachment sa Fuga Island na itinuturing na isa sa strategic island ng bansa sa bahagi ng Aparri Cagayan.

Sinabi ni LTCOL Rowan Rimas, Commander ng Marine Battalion Landing Team 10 na kasalukuyan na ang preparasyon para sa naturang hakbang.

Aniya, layunin nito na mamonitor ng mga otoridad ang sitwasyon sa lugar lalo na sa mga dumadaang fishing vessels na mula sa ibang mga bansa.

Bukod dito ay plano din ng philipine Navy na magtayo pa ng naval station sa lugar upang matiyak pa ang kaligtasan sa kanilang sakop na karagatan laban sa mga mapang-abuso.

-- ADVERTISEMENT --

Wala namang mga residenteng tumutol sa nasabing hakbang ng Philippine Navy.

Ang pagtatayo ng detachment sa lugar ay bahagi na rin ng pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nagsagawa ng pagtanghal ng mga sundalong marino sa watawat ng Pilipinas bilang simbolikong pagpapatunay na pinalalakas ng gobyerno ang presensiya nito sa nasabing isla.

Maalalang naging usap-usapan din kamakailan ang pagtatayo ng isang Chinese company ng negosyo sa lugar na nagkakahalaga umano ng $2B at sinasabing pumirma ng kontrata ang kumpanya sa may-ari ng Fuga Island.