Sisimulan bukas ang pagtatayo ng detour bridge sa bumagsak na tulay sa brgy. Piggatan, Alcala, Cagayan.

Ito ang iniyahag ni Secretary Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways o DPWH matapos niyang personal na inspeksiyonin ngayong hapon.

Ayon kay Dizon na tatapusin ang paggawa ng pansamantalang tulay sa loob ng dalawang buwan.

Dagdag pa niya na uunahin muna ang paghahanap ng solusyon bago ang pagsasampa ng kaso sa mga dapat managot sa naturang insidente.

Sinabi ni Dizon na ito ay bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maibsan ang perwisyo sa mga motorista at mga magsasaka na magbibiyahe ng kanilang mga produkto ngayong anihan

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng kalihim na susuriing mabuti ng kaniyang tanggapan kung sino ang may pananagutan sa pagguho ng tulay maliban sa isyu ng overloading dahil sa mga dumaang mga trailer truck na lagpas sa 18 tons load limit ng tulay ang bigat .

Saad pa ng opisyal na titignan kung mayroong pagkukulang dito ang mga opisyal ng DPWH dahil simula noong naitayo ang tulay noong 1980 ay minsan lang ito isinailalim sa retrofiting noong 2016.

Sinamahan nina Governor Edgar Aglipay ng Cagayan at Mayor Tin Antonio ng Alcala ang kalihim sa pag-inspeksion sa bumigay na tulay nitong hapon ng Lunes .

Sa ngayon ay gumagamit ng alternatibong ruta kung saan umiikot ang mga motorista na dumadaan sa tulay.

Napakahalaga ng Piggatan Bridge dahil ito ang daanan ng mga galing o papunta sa Northern part ng Cagayan gayundin ang mga biyahero sa Apayao at Ilocos Region.