TUGUEGARAO CITY- Walang pahintulot mula kay Apo Whang-Od ang Nas Academy para ituro ang Kalinga Art of Tattooing ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Sa isinagawang imbestigasyon ng NCIP- Cordillera, hindi umano alam ng sikat at pinakamatandang
nabubuhay na “mambabatok” sa bansa na si Whang-od sa pinirmahan nitong kontrata sa pamamagitan ng kanyang thumb mark na inilabas ng Nas Daily sa isang video.
Matatandaan na inilabas ng Palestinian-Israeli vlogger na si Nuseir Yassin o Nas Daily ang naturang
video kung saan makikita si Apo Whang-od na may hawak na dokumento, kasama ang pamangkin nitong si
Estella Palangdao na siya umanong nagsalin ng nilalaman ng kontrata.
Dahil dito, iginiit ng Nas Daily na patunay ang video na legal at may kasulatan ang kasunduan nila sa
kampo ni Whang-od.
Subalit, sinabi ng NCIP na hindi umano naipaliwanag kay Palangdao ang nilalaman ng kontrata na ang
pagkakaalam nila ay para lamang sa isang photography, interview at filming.
Kinuwestiyon din ng NCIP ang pagkakaiba sa pagitan ng thumb print ni Whang-Od sa kontrata at sa thumb
print na nakuha ng kanilang validation team na isinasailalim na ngayon sa malalimang imbestigasyon.
Matatandaan na inilabas ni Nas Daily ang video ni Whang-Od matapos silang akusahan ng apo nitong si
Gracia Palicas ng paggamit sa kanyang lola at sa kanilang kultura nang walang pahintulot.
Nakasama kasi ang pangalan ni Whang-Od sa mga sikat na celebrities na nakatakda sanang magturo sa mga
online class ng Nas Academy na nagkakahalaga ng P750.