Iginiit ng 7th Infantry Division na nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at New People’s Army sa bayan ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya noong June 20.

Reaksion ito ni Major Jimson Masangkay, tagapagsalita ng 7th Infantry Division sa pahayag ng rebeldeng grupo na ito ay isang “fake encounter.”

Sa website ng Communist Party of the Philippines, nagbagsak ng pampasabog at nagpaputok ng kanilang mga baril ang mga sundalo sa Sitio Marikit, Barangay Abuyo subalit wala umanong naganap na labanan.

Binigyan diin ni Masangkay na kasinungalingan ang pahayag ng rebeldeng grupo dahil ang aerial attack na ginawa ng mga sundalo ay upang masawata ang masamang balak ng mga ito.

Gayonman, sinabi ni Masangkay na ito ay isolated case lamang dahil halos wala nang rebeldeng grupo sa kanilang nasasakupan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, ang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan na miyembro ng Kilusang Larangang Guerrilla Tarlac – Zambales ay dumadaan na sa nasabing lugar.

Matatandaan na may 49 families ang inilikas dahil sa nasabing labanan.

Kaugnay nito, sinabi ni Masangkay na umaasa sila na maidedeklara na ang central Luzon at ang buong northern Luzon na insurgency free ngayong taon.