Itinuring man na biro ng mga supporters ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sinabi niya na dapat patayin ang 15 senador para mabigyan ng lugar ang mga kandidato ng kanilang partido na PDP-Laban, subalit nakatanggap ito ng mga batikos at tinawag ito na hindi karapat-dapat at hindi nakakatuwa.
Kinondena ni Tingog Rep. Jude Acidre, the deputy majority leader ng House of Representatives ang dating pangulo, sa pagsasabing ang mga banta ng karahasan-ito man ay isang biro o hindi, ay may seryosong kahihinatnan at ito ay maituturing na krimen.
Sinabi pa ni Acidre, isa sa mahigit 200 na miyembro ng Kamara na lumagda sa articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na ang mga pahayag ng dating pangulo ay patunay na sila ay “like father, like daughter.”
Ayon kay Acidre, ang anak na babae ay gustong ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang ang ama naman ay gustong mamatay ang mga senador.
Matatandaan na ginawa ni dating pangulong Duterte ang mga pahayag sa proclamation rally ng kanilang partido.
Sinabi ni Duterte na napakaraming party candidates, na nangangahulugan na kailangan na umakyat ang mga aspirants.
Ayon sa kanya, kailangan na magkaroon ng mga bakante, at ang dapat na gawin ay patayin ang 15 senators.
Nagtawanan naman ang mga dumalo sa nasabing aktibidad at may mga nagsabi pa ng “kill, kill, kill.”