Tinawag na guni-guni ni Senate President pro-tempore Ping Lacson ang pahayag ni Senator Imee Marcos na may ilang testigo na magre-recant o babawi sa kanilang naunang testimonya kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Matatandaang sinabi ni Sen. Imee na abangan ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee at sigurado siyang isa-isang babawiin ng mga testigo ang kanilang salaysay hinggil sa mga naging rebelasyon sa flood control projects scandal.

Isa na nga rito si dating Marine Technical Sergeant Orly Guteza na ayon kay Sen. Marcos ay may mabigat na testimonya at may personal knowledge sa katiwalian sa flood control dahil inamin niyang naghahatid siya ng male-maletang salapi sa bahay nina dating Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.

Pero sinabi naman ni Lacson na dahil kaarawan naman ni Sen. Imee ay hindi niya ito papatulan kahit pa guni-guni lamang ang sinasabi ng senadora.

Bukas, November 14, ay muling ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig tungkol sa maanomalyang flood control projects kung saan pinaimbitahan ng komite na humarap sa imbestigasyon ang 17 kongresistang pinangalanan ng mga Discaya na dawit sa flood control projects, si Romualdez at si Cong. Eric Yap.

-- ADVERTISEMENT --