
Matapang ang bwelta ng Malacañang kay Vice President Sara Duterte matapos nitong sabihin na nangangamba siya kung may Pilipinas pa sa 2028, dahil anya lugmok ang bansa sa basura, korupsyon, at walang maipagmamalaking big development.
Sa press briefing sa Malacañang, tahasang sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na “bulag” umano ang Bise Presidente sa mga ginagawa ng administrasyon.
Ayon kay Castro, malinaw ang mga proyekto ng pamahalaan sa transportasyon, edukasyon at iba pang sektor, ngunit tila hindi ito nakikita o ayaw umanong makita ng Pangalawang Pangulo.
Tinawag din ng Palasyo na “galawang Duterte” ang naturang pahayag, at inilarawan pa ito bilang pagpapakita ng “characteristics of an emotional vulture” o isang “buwitre” na nagpapanggap na may malasakit sa kalagayan ng bansa.
Ani Castro, kung may pangamba man tungkol sa kinabukasan ng bansa sa 2028, mangyayari lamang ito kung ang mailuluklok na lider ay magiging “Manchurian candidate” o sunud-sunuran sa ibang bansa.
Lalo pa’t nasabi na raw noon ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na posible tayong maging probinsya ng isang bansa.










