Ikinumpara ng Malacañang ang 18 indibidwal na umano’y naghatid ng kickbacks sa ilang opisyal sa gobyerno sa mga “basurero” o garbage collectors.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, maaaring ilarawan ang grupo bilang “18 maleta boys” o “18 basurero” bilang tugon sa naging pahayag ng Armed Forces of the Philippines na hindi tama na tawagin silang “ex-Marines.”

Paliwanag ni Castro, tinutukoy ng grupo ang umano’y pagdadala ng mga bag na naglalaman ng pera kaya’t maaaring ikumpara ito sa paghahakot ng “basura.”

Giit naman ng AFP Public Affairs Office, hindi na aktibong miyembro ng Philippine Marine Corps ang mga naturang indibidwal at ang kanilang mga kilos ay ginawa sa pribadong kapasidad at hindi sa ngalan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Nauna nang inilahad ng 18 indibidwal sa isang pagdinig sa Senado na umano’y naghatid sila ng mga maleta ng pera sa ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang ang mga pangalan ng ilang opisyal at mambabatas. Mariin itong itinanggi ng Malacañang at ng mga sangkot na personalidad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy na pinag-uusapan ang kanilang pagdalo sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee, habang nananatiling bukas ang kanilang kampo sa pakikibahagi sa imbestigasyon.