
Dumistansya ang Malacañang sa naging desisyon ng China na ipagbawal ang pagpasok sa mainland China, Hong Kong, at Macao ng 16 na opisyal ng Kalayaan, Palawan.
Kasunod ito ng pagdedeklara ng Kalayaan LGU ng persona non grata laban kay Chinese Ambassador Jing Quan, kaya ginantihan ng travel ban mula sa panig ng China.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang anumang polisiya o desisyon ng China ay hindi saklaw ng pamahalaan, tulad din anya na hindi dapat pakialaman ng ibang bansa ang mga hakbang ng administrasyong Marcos.
Kaugnay nito, ipinaubaya na ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs ang pagbibigay ng mas detalyadong paliwanag hinggil sa naturang usapin.










