
Handa ang Malacañang na sagutin ang anumang petisyon na ihahain sa Korte Suprema laban sa 2026 national budget.
Ito ang pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos sabihin ni Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice na maghahain siya ng petisyon upang kuwestiyunin ang mga probisyon sa unprogrammed appropriations (UA).
Ayon kay Castro, karapatan ng sinuman na dumulog sa Korte Suprema kung may nakikitang paglabag sa Konstitusyon. Kapag may petisyon, sasagot umano ang administrasyon at igagalang ang magiging desisyon ng hukuman.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2026 national budget noong Lunes.
Kasabay nito, bineto niya ang P92.5 bilyon mula sa kabuuang P243 bilyong unprogrammed appropriations.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, tatlo na lamang ang natitirang item sa UA: P97 bilyon para sa foreign-assisted projects, P50 bilyon para sa military modernization, at P3.6 bilyon para sa risk management ng public-private partnership projects.
Sinabi ni Castro na kumpiyansa ang administrasyon na ang 2026 budget ay malinis, maayos, at para sa kapakanan ng mamamayan.
Ipinunto rin ng Senado na tinanggal na ang mga lump-sum fund na posibleng pagmulan ng katiwalian. Para kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, layunin ng Pangulo na gawing “squeaky clean” ang 2026 national budget.










