
Tinawag ng Malacañang na “walang basehan at walang saysay” ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, maaaring nagmula sa pagkadismaya ang pahayag ng Bise Presidente dahil sa pagkakakulong at paglilitis sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Iginiit ni Castro na hindi pananagutan ni Marcos ang kaso laban kay Duterte dahil naisampa umano ito noong 2017, bago pa naging pangulo si Marcos. Aniya, sumusunod lamang ang Pangulo sa umiiral na batas at proseso.
Samantala, nanindigan ang Palasyo na walang pagbabago sa posisyon ng administrasyon hinggil sa pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.










