Mariing itinanggi ng Malacañang ang kumakalat na balitang isinugod umano sa ospital si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at iginiit na siya ay nasa maayos na kalagayan at patuloy na ginagampanan ang kaniyang tungkulin.

Ayon kay Claire Castro, Undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO), nasa maayos na kalagayan at nagtatrabaho si Marcos kahit Sabado, kasunod ng mga pahayag online na dinala umano ang Pangulo sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.

Dagdag pa ni Castro, nagkaroon pa ng pribadong pagpupulong ang Pangulo kasama ang Presidential Management Staff (PMS) nitong umaga. Hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye.

Nag-ugat ang mga espekulasyon sa kalusugan ng Pangulo matapos siyang ma-diagnose ng diverticulitis, isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng pamamaga dahil sa bacteria na naiipon sa pader ng colon at sa maliliit na supot na tinatawag na diverticula. Pansamantalang naapektuhan nito ang ilan sa kaniyang mga gawain bilang Pangulo.

Nauna nang tiniyak ni Marcos na siya ay maayos na matapos sumailalim sa medical observation.

-- ADVERTISEMENT --