Hindi kinumpirma ng Malacañang ang umano’y planong pag-atake sa Malacañang Palace sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, ngunit hinimok ang publiko na manatiling mapagmatyag laban sa tinawag nitong “forces of darkness.”

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala pang beripikadong impormasyon tungkol sa umano’y planong destabilization na iniuugnay sa ilang grupo.

Ang pahayag ay ginawa kasunod ng social media post ng kolumnistang si Ramon Tulfo na nagsasabing may intelligence reports ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa umano’y planong pag-atake na isasagawa ng isang religious sect.

Giit ni Castro, hindi ito bagong isyu at may mga grupo umano na matagal nang nagsisikap na mapalitan ang pamahalaan bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Samantala, nilinaw ng PNP na wala itong natatanggap na validated intelligence hinggil sa anumang banta sa nalalapit na pagdiriwang ng Independence Day, at tiniyak ang mahigpit na seguridad sa buong bansa para sa June 12 celebrations.

-- ADVERTISEMENT --