Tiniyak ng Malacañang ang kanilang pagsunod sa anumang utos mula sa Korte Suprema kaugnay ng ₱60 bilyong sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na kasalukuyang hawak ng National Treasury.

Sa isang press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na igagalang at susundin ng administrasyon ang desisyon ng Korte Suprema kung ito ay mag-utos na ibalik ang pondo sa PhilHealth.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng mga sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho, na nagbigay-diin na ang pondo ay nararapat na ibalik sa PhilHealth upang mapalakas ang benepisyo ng mga miyembro nito, imbis na manatili sa National Treasury.

Sa ikatlong round ng oral arguments, binanggit ni Kho na may opsyon ang PhilHealth na maghain ng pormal na kahilingan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ibalik ang ₱60 bilyon, na nailipat sa unprogrammed funds ng gobyerno.

Binigyang-diin ni Kho na ang mga pondong ito ay maaaring gamitin upang mapalawak ang mga benepisyo sa kalusugan, mag-hire ng karagdagang tauhan, at tugunan ang mga agarang pangangailangan pang-medikal ng mga Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --