
Sinabi ng Malacañang na ang pagbagal ng inflation noong Mayo ay patunay umano na unti-unting nagbubunga ang mga hakbang ng pamahalaan sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o “Uplift” strategy.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, bumaba ang inflation sa 6.8% noong Mayo mula 7.2% noong Abril, na dulot ng paggaan ng presyo ng pagkain at transportasyon sa gitna ng epekto ng krisis sa enerhiya at tensyon sa Middle East.
Sa isang mensahe, sinabi ni Undersecretary Clare Castro na magandang balita para sa mga pamilyang Pilipino ang naturang pagbaba ng inflation at indikasyon ito na epektibo ang Uplift strategy.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na hindi pa dapat magpakampante ang pamahalaan dahil may mga panganib pa rin tulad ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis at epekto ng El Niño.
Ang Uplift strategy ay bahagi ng koordinadong tugon ng pamahalaan laban sa mga epekto ng krisis sa enerhiya at ekonomiya, na nakapaloob sa Executive Order No. 110 sa ilalim ng deklarasyon ng national energy emergency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Kabilang sa mga ipinatutupad sa ilalim nito ang cash at fuel subsidies para sa mga tsuper at suporta sa sektor ng agrikultura.




