Tumanggi ang Malacañang sa hamon ni Vice President Sara Duterte na sumailalim si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hair follicle drug test sa gitna ng panibagong akusasyon ng paggamit umano ng ilegal na droga.

Ayon sa Palasyo, hindi maaaring atasan ang Pangulo na sumailalim sa anumang drug test, tulad ng naging posisyon noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyang-diin din na si dating Pangulong Duterte mismo ang umamin noon sa paggamit ng marijuana at labis na pag-inom ng fentanyl habang nasa pwesto.

Iginiit ng Palasyo na patuloy na ginagampanan ni Marcos Jr. ang kanyang mga tungkulin at nakatuon sa kampanya laban sa katiwalian. Itinanggi rin nito ang pag-uugali umano ng Pangulo na maaaring ikabit sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, taliwas umano sa naging asal ng ibang opisyal sa nakaraan.

Samantala, nanindigan si VP Duterte sa kanyang akusasyon at sinabing may mga taong nakasama ng Unang Pamilya sa mga pagtitipon na nagsasabing gumagamit umano ang mga ito ng droga.

-- ADVERTISEMENT --

Sumiklab muli ang isyu matapos akusahan ni Senadora Imee Marcos ang kanyang kapatid na Pangulo, ang First Lady, at maging ang mga anak ng Pangulo, ng paggamit ng ilegal na droga, at hamunin silang magpa-hair follicle test kapalit ng DNA test para sa sarili niyang isyu sa parentage.

Tinukoy naman ng Malacañang na dati nang nagnegatibo si Marcos Jr. sa isang drug test bago ang halalan, na sinertipikahan pa umano ng isang pribadong ospital. Giit ng Palasyo, hindi dapat inuutos sa Pangulo ang mga ganitong hiling na layong manira sa kanya.