Humina muli ang halaga ng piso at nagsara sa P59.022:$1 nitong Huwebes, matapos ang naunang pagtatapos na P58.92:$1.

Ang pagbagsak na ito ay iniuugnay sa lumalakas na pangamba na hindi maaabot ng bansa ang itinakdang target sa paglago ng ekonomiya para sa 2025.

Kamakailan, inanunsyo ng Department of Economy, Planning, and Development na napakababa ng posibilidad na maabot ang binabang growth target na 5.5% hanggang 6.5%.

Kung babagsak pa sa ilalim ng 5.5% ang kabuuang paglago ngayong taon, ito na ang ikatlong sunod na taong hindi natupad ang mga economic target ng bansa.

Sa unang siyam na buwan ng 2025, umabot lamang sa 5% ang average na paglago, bunsod ng paghina ng third-quarter GDP sa 4.0%—ang pinakamababa mula 2021.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang tatama lamang sa 4% hanggang 5% ang buong taong expansion, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, dahil sa nanghihinang investor confidence matapos ang kontrobersiya sa proyekto ng flood control.

Sa kabila nito, inaasahang magkakaroon ng bahagyang suporta sa piso ngayong Disyembre dahil sa pagtaas ng remittances ng overseas Filipino workers para sa holiday spending ng mga pamilya sa Pilipinas.