Hindi tututulan o hindi haharangin ng pamahalaan si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung pipiliin niya na isuko ang kanyang sarili sa International Criminal Court (ICC).

Ang pahayag ng palasyo ng Malacanang kasunod ng hamon ni Duterte sa ICC sa House Quad committee hearing na agad na simulan ang imbestigasyon sa umano ay crimes against humanity na nangyari noong panahon ng kanyang administrasyon sa ilalim ng war on drugs.

Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na kung nais ni Duterte na isuko ang kanyang sarili sa hurisdiksion ng ICC, hindi ito hahadlangan ng pamahalaan.

Idinagdag pa ni Bersamin na kung hihilingin ng ICC sa Interpol na maglabas ng red notice at ipadala ito sa ating bansa, tatratuhin ito ng pamahalaan na seryosong usapin.

Ayon sa kanya, obligado ang law enforcement agencies sa bansa na ibigay ang buong kooperasyon sa Interpol batay sa mga nakalatag na mga protocols.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagdinig ng quad committee, tinanong ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas si Duterte kung ibibigay niya ang kanyang kooperasyon sa mga imbestigasyon,kabilang ang sa ICC.

Sagot ni Duterte na simulan na ngayong araw ang imbestigasyon, dahil sa matagal na umano itong usapin, at handa siyang magpakulong kung mapapatunayan siyang guilty sa mga akusasyon laban sa kanya sa mga krimen na nangyari sa war on drugs at extra judicial killings.