Nasiyahan ang Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) sa commitment mula sa pamahalaan na magdagdag ng 15,000 na bagong plantilla positions ngayong taon para sa mga school officials sa buong bansa.

Ito ay matapos ang ulat na mahigit kalahati ng public schools sa bansa ay walang principal.

Inihayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasabay ng pahayag ng Department of Education na magpapatupad sila ng interventions simula ngayong taon.

Kinabibilangan ito ng pagtatalaga sa kasalukuyang 7,916 National Qualifying Exam for School Heads (NQESH) passers nitong nakalipas na taon, upang mapunan ang mga bakanteng principal positions.

Batay sa Year 2 report ng komisyon, 20,381 lamang mula sa 45,199 na mga paaralan ang may nakaupong principal.

-- ADVERTISEMENT --

Ang 24,916 na paaralan ay walang principals, kung saan 13,332 ay pinamumunuan lamang ng head teacher; 8,916 na mga paaralan ay pinamumunuan ng teacher in charge; 2,337 ay pinamumunuan ng officer in charge; at ang 193 ay undefined.

Kabilang sa mga rekomendasyon ng Edcom 2 ay ang kagyat na appointment ng NQESH passers.

Hinikayat din nito ang DepEd na ibalik sa kanilang mga paaralan ang mga principal na itinalaga sa mga opisina.