TUGUEGARAO CITY-Binigyang diin ni Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy na siya ring tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na hindi na magkakaroon ng ika-53 anibersaryo ang New People’s Army (NPA).
Ito’y dahil unti-unti ng nabubuwag ang grupo maging ang hindi na pagsuporta ng mamamayan sa kanilang mga layunin.
Ayon kay Usec. Badoy, nasa mahigit 14,000 na mga dating teroristang NPA ang sumuko na pamahalaan at tinatamasa na ang magandang buhay kasama ang kanilang mga pamilya sa tulong ng pamahalaan.
Aniya, tinitiyak ng gobyerno na nabibigyan ng tulong pinansyal ang lahat ng mga sumusuko para sa kanilang muling pagsisimula ng panibagong buhay.
Sa buong bansa, mayroon na umanong 822 na barangays ang idineklarang insurgency free kung saan nakatakda silang makatanggap ng tig-P20milyon.
Dahil dito, sinabi ni Badoy na mahina na ang grupo ng mga teroristang NPA at pabagsak na rin ang mga ito dahil unti-unti ng namumulat ang tao sa kanilang mga maling gawain.
Samantala, muling hinikayat ni Badoy ang mga nananatiling aktibong miembro ng NPA na sumuko na sa pamahalaan at makipagtulungan na lamang sa gobyerno para makamit ang inaasam na kapayapaan at katahimikan.