Bumuo ng kaukulang hakbang ang mga “Top Rice Producing Provinces” sa bansa para matulungan ang mga magsasaka na apektado ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Sa lalawigan ng Isabela, iniulat ni Vice Gov. Bodjie Dy sa pagbisita ni Agriculture Secretary William Dar ang pagbili ng probinsiya ng palay direkta sa mga magsasaka.
Tulad sa Pangasinan, ang pamahalaang panlalawigan na ang bahala na magpatuyo at magpagiling para maging bigas ito bago ibenta sa probinsiya at sa labas ng lalawigan gaya sa kalakhang Maynila.
Naglaan din ng P200 milyon ang Nueva Ecija na pambili ng palay sa mga local rice farmers para ibenta ring bigas sa ibang lugar.
Nangako rin naman ang gobernador ng Ilocos Norte na gagayahin ang estratehiya ng Isabela at Nueva Ecija para maibsan ang pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa mababang presyuhan ng palay.
sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi naman ni Gov. Carlos Padilla na maglalaan ng hindi bababa sa P20 milyon ang pamahalaang panlalawigan na gagamitin para sa pagbili ng mga produktong palay na inaayawan na umano ng mga private traders.
Aniya, halos hindi na gumagalaw ang bentahan ng palay sa probinsiya dahil hindi na ito maibiyahe sa ibang lugar bunsod ng sobrang supply ng imported rice sa merkado.
Sa lalawigan naman ng Cagayan, inihayag ni Gov. Manuel Mamba na direktang bibili ang probinsiya sa mga local farmers ng bigas na para sa provincial jail kasabay din ng panawagan na dapat siguraduhin na lehitimong magsasaka ang maaabutan ng tulong mula sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan.
Pinayuhan naman ni Sec. Dar ang mga LGUs na may maliliit na pondo na umutang sa Landbank o Development Bank of the Phils (DBP) upang may magamit sa pagbili ng produktong palay ng mga magsasaka kasama na ang milling, drying at marketing operations.