Nagsasagawa na ng validation ang mga kinauukulan sa pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa mga iniulat na mga pinsala na iniwan ng bagyong Julian, lalo sa na sektor ng agrikultura.

Sinabi ni Governor Manuel Mamba na ito ay matapos na aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan na ideklara sa state of calamity ang lalawigan.

Ayon kay Mamba, higit na nasira ang mga pananim na palay at mais sa coastal towns ng lalawigan.

Sinabi niya na kailangan ang validation upang matiyak na hindi sobra-sobra ang mga iniulat ng mga magsasaka na pinsala sa kanilang mga pananim at maibahagi ng tama ang P36 million na quick response fund.

Sinabi naman ni Vice Governor Melvin Vargas na bagamat initial pa lamang ang iprinisinta ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ay kailangan na aprubahan ang kahilingan na state of calamity upang matulungan ang mga naapektohan ng bagyo.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa report ni PDRRMO head Rueli Rapsing, umaabot na sa P800 milyon ang initial na halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo sa iba’t ibang sektor.

Pinakamarami sa nasira ay sa agrikultura na may mahigit P791M; livestock ay mahigit P2M at sa imprastraktura naman ay mahigit P100K.