TUGUEGARAO CITY-Ipagkakaloob na ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang ayuda sa mga nag-aalaga ng baboy na naapektuhan ng African swine fever (ASF).
Ayon kay Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, nasa 117 na baboy ang isinailalim sa culling procedure sa Brgy. La torre North at La torre South sa bayan ng Bayombong.
Aniya,P2,500 ang ibabayad sa kada baboy na pinatay maliban sa mga biik na binayaran ng P1,000-P1,500.
Sinabi ng Gobernador na naglaan ng P500,000 ang provincial government para pandagdag sa P5,000 na ibibigay ng Department of Agriculture (DA) sa mga nag-aalaga ng baboy.
Bukod dito, magbibigay din ng karagdagang P2,500 ang bayan ng Bayombong sa mga apektadong magbababoy na mula sa mga nasabing Barangay.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Padilla sa pagkaantala ng pamamahagi ng tulong dahil naabutan ito ng enhanced community quarantine dahil sa Coronavirus disease (Covid-19).