TUGUEGARAO CITY-Gumawa na ng sulat ang Local Government Unit (LGU)Tuguegarao na humihiling sa Department of Health (DOH)-Region II na imbestigahan ang siyam na unang naitalang kaso ng B.1.1.7 o UK variant sa lungsod.
Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, posibleng ang naturang variant ang dahilan ng pagtaas ng “average daily attack rate” ng virus sa lungsod kung kaya’t kailangan itong pag-aralan.
Aniya, bagamat nakarekober na ang nasabing siyam na katao, kailangan pa rin itong imbestigahan para mabigyan ng agarang aksyon.
Ang lungsod ng Tuguegarao ang may pinakamataas na “average daily attack rate” sa mga lugar na unang inilagay sa high risk qualification na umaabot sa 26.63 percent, mas mataas kumpara sa National Capital region (NCR) na 14.54 percent.
Bukod dito, hiniling na rin ng alkalde sa regional government management center na atasan ang mga regional director o head officers na kontrolin ang bilang ng mga pinapapasok na empleyado.
Ito’y dahil karamihan sa mga nagpopositibo ay mga empleyado ng mga government offices kung saan nagkakaroon ng hawaan sa loob ng opisina na isa sa sanhi ng pagsipa ng mga naitatalang kaso ng nakamamatay na virus sa lungsod.
Sa ngayon,nasa 582 ang bilang ng mga active cases ng covid-19 sa lungsod matapos makapagtala ng 73 bagong positibo.
Isa naman ang bagong nasawi kung kaya’t umakyat na sa 90 ang bilang n mga nasawi may kaugnayan sa covid-19 sa lungsod.
Nasa 15 naman ang bagong nakarekober mula sa nasabing sakit na nagdala ng 5,146 na bilang ng mga gumaling mula sa 5,818 na kumpirmadong kaso.