Target ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na matapos ang pamamahagi ng mga alagang baka sa mga magsasaka sa lalawigan ng Cagayan na labis na naapektuhan ng bagyong Ulysses noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ferdinand Arquero, planning officer ng Livestock Program ng DA-RO2 na nasa 218 na brahma cattle ang inilaan ng ahensya sa lalawigan mula sa 457 na kabuuang baka.
Itoy matapos makumpleto ang pamamahagi nito sa lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya ng tig-28 baka, habang sa Isabela ay nasa 183 sa ilalim ng Livestock program.
Bawat benepisaryo ay nakakuha ng isang dekalidad n a Brahma baka na nagkakahalaga ng P40,000 at nabili ng ahensya sa Masbate.
Nilinaw ni Arquero na benepisaryo sa naturang programa ang mga magsasakang nasa listahan na nagreport sa kanilang barangay na nawalan o nalunod ang kanilang alaga sa kasagsagan ng bagyong Ulyses at na-validate ng Municipal at Provincial Agriculturist.
Isusunod namang ipapamahagi ng ahensiya ang 1,134 heads ng alagang kambing sa mga magsasaka sa buong rehiyon bilang pamalit sa mga baboy na namatay o nalunod noong bagyo.