Itinigil na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pag-proseso ng aplikasyon para sa Special Cash Relief Assistance ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na apektado ng travel ban dahil sa novel coronavirus outbreak sa bansang Macau at Hongkong, epektibo bukas (FEBRUARY 20).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Regional Director Luzviminda Tumaliuan ng OWWA RO2 na hindi sakop ng ceast order ang mga balik manggagawa patungong China dahil nananatili ang ipinatutupad na temporary travel ban.

Bukod sa special administrative region na Macau at Hongkong, naunang binawi ng pamahalaan ng Pilipinas ang ban sa Taiwan kung saan maaari nang makabiyahe pabalik at pauwi ang mga OFWs.

Samantala, sinabi ni Tumaliuan na nasa P4.6 milyon na ang naipamahagi ng OWWA sa mga apektadong OFW sa lambak ng Cagayan.

Sa kabuuang 469 OFW sa rehiyon na nabigyan ng tig-P10,000 na cash assistance, labing-dalawa rito ay patungong Taiwan.

-- ADVERTISEMENT --

Habang 54 OFW ang na nag-apply ngunit hindi nabigyan ng cash assistance dahil sa kakulangan ng requirements tulad ng OEC.

Batay sa implementing guidelines sa pamamahagi ng pondo, kailangang makapagpakita ang OFW ng kopya ng kanilang plane ticket, Overseas Employment Certificate (OEC), Employment Contract, work permit at 2×2 ID picture.