Department of Social Welfare and Development

TUGUEGARAO CITY-Halos natapos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD )Region 02 ang pamamahagi ng ayuda para sa Emergency Shelter Assistance(ESA) sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong sa rehiyon dos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Ginoong Chester Trinidad,tagapagsalita ng DSWD RO2, nasa 94% o katumbas ng P604.2 milyon na ang naipamahagi na ayuda sa mga benepisyaryong kabilang sa mga totally at partially damaged houses.

Sa datos ng DSWD, nasa kabuuang 15,192 na benepisyaryo para sa totally damaged houses ang napagkalooban ng financial assistance na P30,000 bawat isa na may kabuuang halaga na P455.7 milyon.

Habang 11,727 na benepisyaryo ng partially damaged houses ang nabigyan ng P10,000 na may kabuuang halaga na P117.2 milyon.

Bukod pa ito sa ipinagkaloob na P3,000 na Cash-For-Work sa mga benepisyaryo ng totally damaged houses na may kabuuang halaga na 51.6 milyon at P13.2 milyon sa partially damaged.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit nilinaw ni Trinidad na ang natitirang P33.7 milyon na ayuda ay para lamang sa mga lehitimong benepisyaryo na nasa kanilang listahan na hindi nakapunta o nakakuha ng ayuda noong distribusyon dahil sa personal na dahilan.

Pinayuhan ni Trinidad ang mga ito na lumapit sa Municipal Social Welfare and Development Office para mabigyang linaw ang kanilang katanungan at sa Regional Office lamang maaring makuha ang financial assistance.

Ang ESA ay ayudang ipinapamahagi ng DSWD alinsunod sa mandato ng Pamahalaang Nasyonal upang matulungan ang mga nasiraan ng tirahan sa pagsalanta ng mga kalamidad tulad ng bagyo.