Sisimulan na ang pamamahagi ng family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development sa mga naapektuhan ng supertyphoon Leon sa anim na bayan sa lalawigan ng Batanes.
Ayon kay Provincial Administrator Justine Jerico Socito, nasa bawat munisipyo na ang kabuuang 6K food packs para sa sabayang pamamahagi nito ngayong araw ng Lunes.
Nabatid na nagkulang na sila sa food packs dahil sa magkakasunod na bagyong tumama sa lalawigan.
Dagdag pa ni Socito na may karagdagan pang 7K food packs ang nakatakdang dumating sa lalawigan sa araw ng Martes.
Sa ngayon ay nakauwi na rin sa kanilang mga tahanan ang nasa mahigit 1500 katao na sapilitang lumikas sa supertyphoon Leon dahil sa trauma ng nagdaang bagyong Julian.
Nanawagan din ang Pamahalaang Panlalawigan sa national government para sa moratorium o suspensyon ng Batanes Protected Area Act para makakuha ng libreng aggregates gaya ng buhangin at bato na kanilang magagamit para makapagpatayo ng matibay na bahay nang hindi na kailangan pang bumili ng imported aggregates na mula pa sa Manila at Ilocos.