Tuguegarao City- Pinag-aaralan na ng Cagayan Provincial Veterinary Office (PVO) ang pamamahagi ng mga livestock at poultry sa mga “households” bilang bahagi ng programa sa ilalim ng “food production” laban sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Dr. Noli Buen, Acting Veterinary Officer, isa sa napiling ipamimigay sa mga target beneficiaries ay mga inahin at tandang na manok.

Sinabi pa nito na bagamat target lahat ng mga sambahayan na mabigyan ay uunahin muna ang mga pamilyang may edad 21 pababa at mga senior citizen.

Sa ngayon ay kasalukuyan nang nagsasagawa ng piloting ang naturang tanggapan upang makahanap ng mga producers ng mga manok na maaaring ipamahagi.

Inihayag pa ni Dr. Buen na mayroong nakalaang P45M pondo para sa naturang proyekto kung saan ay nasa P400 ang inilaang ipambibili sa bawat manok.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, muli namang hinikayat nito ang mga kabataan upang makibahagi sa mga programang pang -agrikultura partikular ang pag-aalaga ng mga livestock at poultry.

Ang pag-aalaga ng mga hayop sa ganitong panahon ayon kay Dr. Buen ay makatutulong upang magkaroon ng alternatibong kaalaman ang mga kabataan lalo na sa “food production”.