Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development Region 2 ang pamamahagi ng financial grant sa ilalim ng social pension program para sa mga senior citizens sa lambak ng Cagayan.

Ayon kay Reymar Olivas, Information Officer ng DSWD, ang programa ay isasagawa sa loob ng apat na araw mula January 23 hanggang January 26.

Sa ilalim ng RA 11916 o ang batas na sumasakop sa pagdadagdag ng social pension para sa mga indigent senior citizens ay nakapaloob ang isang libong piso na tulong pinansiyal mula sa dating limang daang piso na ibinibigay sa mga eligible beneficiaries.

Batay sa datos ng ahensiya, nasa 87,357 ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo mula sa Cagayan, 113,000 naman sa Isabela, 14,330 sa Quirino at 1,496 naman sa Batanes.

Sa ngayon, kabilang sa mga municipalidad na namahagi na ng tulong pinansiyal sa mga senior citizens ay ang bayan ng Abulug at Pamplona sa Cagayan habang sa lalawigan naman ng isabela ay ang bayan ng Naguillan, Benito Soliven at Quezon.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ng DSWD Region 2 na dumadaan sa validation ang lahat ng mga benepisyaryong nabibigyan ng tulong upang matiyak na nasusunod ang mga pamantayang itinakda ng batas.