Photo credit:  Tuguegarao City Information Office

Nakatutok ang Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao sa pamamahagi ng mga relief packs para sa mga residenteng nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Ito ay sa gitna ng bahagyang pagtaas ng kaso ng mga nagpopositibo sa sakit sa lungsod.

Ayon kay Gerald Valdez, Head ng Barangay Affairs Office, katuwang ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ay namamahagi ang kanilang hanay ng mga relief packs na kayang tumagal ng hanggang isang Linggo na sapat para sa isang pamilya.

Lahat aniya ng mga pasyenteng nasa ospital at naka-home quarantine ay nabibigyan ng tulong kung saan ay sila na mismo ang naghahatid sa mga ito at ang pagbibigay ng tulong ay nakabatay sa kung ilan ang nagpositibo sa miyembro ng pamilya.

Kung ang pasyente ay naka-home qurantine ay iniiwan ito sa tapat ng kanilang bahay o iniaabot sa mga kaanak habang kung nasa ospital naman ay ipinapaabot ito sa mga kawani na otoridadong pumasok sa ospital kung saan isila naka-quarantine.

-- ADVERTISEMENT --

Siniguro naman ni Valdez na mahigpit na binabantayan ng mga otoridad ang galaw ng lahat ng mga pasyenteng nakasailalim sa home quarantine upang maiwasan ang pagtakas at hindi magkahawaan ng virus.

Batay sa pinakahuling datos ng Tuguegarao City Health Office mula nitong June 10, 2023, ay bumaba na sa 27 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod mula sa dating 51 nitong mga nakalipas na araw.

Kaugnay nito, tiniyak ni Valdez na may sapat na stockpile ng CSWDO Tuguegarao na nakahanda para sa repacking sakali man na madagdagan pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod

Maalalang pinagtibay ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que sa pamamagitan ng isang Executive Order ang mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng facemask sa indoor at crowded places bilang proteksyon sa virus kasabay ng pagsipa ng kaso ng COVID-19.