Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pamamaril-patay ng riding-in-tandem sa 72-anyos na Punong Barangay ng Brgy. 2, Enrile, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Kapitan Bernardo Gacuan na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ibabang bahagi ng kanyang kanang balikat matapos pagbabarilin ng ilang beses sa loob mismo ng barangay hall nang hindi pa nakikilalang suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinundan umano ng suspek ang kapitan hanggang sa barangay hall at matapos ang pamamaril ay agad tumakas ang suspek, sakay ng isang motorsiklo na walang plaka na minaneho ng kanyang kasabwat patungo sa hindi natukoy na direksyon.

Ayon pa sa mga nakasaksi sa krimen, ang gunman ay nakasuot ng itim na long-sleeved shirt at gray maong pants; habang ang nagmaneho naman ng motorsiklo ay nakasuot ng itim na sando jersey at itim na pantalon at kapwa nakasuot ng itim na helmet.

Agad namang itinakbo ng Enrile Rescue Team sa Saint Paul Hospital sa Tuguegarao City ang biktima, subalit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito agad naglatag ng high-risk checkpoints ang pulisya at nagpakalat ng flash alarm sa mga kalapit na PNP units, kabilang na ang Isabela Police Provincial Office, sa layuning agad mahuli ang mga tumakas na suspek.

Kasalukuyan na ring nire-review ang CCTV footage sa barangay hall, sa pag-asang makilala ang gunman at makakuha pa ng karagdagang ebidensya sa krimen, gayundin ang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pagpaslang kay Gacuan.

Ang bayan ng Enrile ay nasa ilalim ng Yellow Category, na ibig sabihin ay mayroon itong ‘history of political unrest’ na maaaring dulot ng magkakalabang partido sa pulitika sa nakalipas na magkasunod na eleksyon, posibleng presensya ng potential private armed group, at posibleng election-related incidents.