Patuloy na iniimbestigahan ng PNP Penablanca ang nangyaring pamamaril sa apat na kataong kinabibilangan ng barangay chairman ng Brgy Nanguillattan kasama ang kanyang maybahay at dalawang iba pa sa Brgy. Quibal, Peñablanca, Cagayan.

Ayon kay PLT Juliet Quinagoran-Narag, Deputy Chief of Police ng PNP Peñablanca, pauwi na sana galing ng Tuguegarao City sina Brgy Chairman Bonifacio Caliguiran matapos samahan ang kanyang misis na si Marivic Caliguiran sa kanyang check up sakay ng barangay patrol na minamaneho ni Armelante Collado kasama ang isa pang menor de edad.

Aniya, napansin ng menor de edad na nasa likod ng patrol ang dalawang motorsiklo na kulay puti at berde na sumusunod sa kanila at ng marating ang barangay Quibal ay biglang nag-overtake ang puting motorsiklo sa kaliwang bahagi ng patrol at binaril ang mga biktima ngunit hindi pumutok ang baril.

Kaugnay nito ay muling tinangkang paputukan ng suspek ang harapang bahagi ng sasakyan at doon na tumagos ang bala ngunit walang tinamaan sa mga biktima at sa pangatlong pagkakataon ay tumamang muli ang bala sa paanan ng mga biktima at masuwerte silang hindi tinamaan.

Hindi naman natukoy ang pagkakakilanlan ng mga driver ng motorsiklo na nakasuot ng helmet, itim na jacket at pantalon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Narag, batay sa isinagawang pag-iimbestiga ay wala naman umanong ibang kaalitan o kaaway ang kapitan at hindi rin maiuugnay ito sa usapin ng pulitika.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang pulisya sa mga establishimentong maaaring dinaanan ng mga suspek lalo na ang mga may cctv upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.