COURTESY: PNP ENRILE

Posibleng biktima raw ng ‘mistaken identity’ ang pamamaril sa manugang ng isang Sangguniang Bayan member sa bayan ng Enrile, Cagayan.

Kinilala ni Enrile Police Chief Rodel Gervacio ang biktima na si Gary Lappay, 36-anyos at residente ng Brgy 2 sa nabanggit na bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima matapos sunduin ang kanyang asawang nurse na nakatalaga sa quarantine facility ng lokal na pamahalaan nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan sa Brgy. San Roque ng dalawang lalaking naka-helmet na sakay ng isang itim na motorsiklo.

Nagtamo ng dalawang tama ng baril sa balikat ang biktima at ngayoy ginagamot sa isang pribadong ospital sa Tuguegarao City.

Nakuha ng mga otoridad ang 2 empty shells at isang slugs ng cal. 45 firearms sa pinangyarihan ng krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Hinala ni PMAJ Gervacio, posibleng napagkamalan ng mga suspek ang biktima dahil gamit nito ang tinted na sasakyang pagmamay-ari ni SB member Sergio Turingan.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek na mabilis tumakas matapos ang pamamaril.