Naigawad na ng Civil Service Commision (CSC) ang Pondong Pamanang Lingkod Bayan o suportang pinansiyal sa pamilya ng pulis na nasawi sa engkwentro sa mga holdaper noong September 2019 sa Ramon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Nerissa Canguilan, director ng CSC RO2 na naibigay na ng ahensiya ang plaque, scholarship at P100,000 sa pamilya ni Police Staff Sgt. Richard Gumarang.
Sinabi ni Canguilan na ang mga kawani ng pamahalaan na nagbuwis ng sariling buhay sa pagtupad ng kanilang tungkulin ay kwalipikado sa ilalim ng programa na mula sa pondong nalikom sa isinasagawang taunang fun-run ng ahensiya.
Mula nang sinimulan ang programa noong 2018, sinabi ni Cauilan na marami na ring mga permanent government workers sa rehiyon na nasawi habang ginagampanan ang tungkulin ang nabigyan ng CSC ng tulong.