
Mayroon nang dalawang kandidato na tatakbo bilang Bise-Gubernador sa lalawigan ng Cagayan ang naghain ng kanilang kandidatura sa ika-limang araw ng filing ng certificate of candidacy.
Unang nakapaghain ng kandidatura para sa pagka-bise gubernador si 1st District Board Member Aj Ponce na tatakbo sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC), kasama si Kamille Perez na tatakbo bilang Board member sa unang distrito.
Bandang hapon naman ng naghain ng kanyang kandidatura ang pamangkin ni Governor Manuel Mamba at anak ni Tuao Mayor Francisco Mamba na si Francisco Mamba III.
Sinabi ng 24-anyos na si Mamba na kung sakali mang palarin sa pagka-Vice Governor ay pagkakaisahin nito ang Sangguniang Panlalawigan upang masuportahan at maipagpatuloy ang mga nasimulang proyekto at programa ng gubernador sa ilalim ng Cagayan Development Agenda 2025 (CAGANDA 2025).
Kasama ng 24-anyos na si Mamba sa paghahain ng COC ang kanilang line up para sa Sangguniang Panlalawigan sa ilalim ng Nacionalista Party.
Ito ay kinabibilangan nina Piat Mayor Carmelo Villacete sa ikalawang distrito; sa ikatlong distrito naman ay sina Clarita Lunas, Education Consultant ng Gobernador; incumbent Board member Rodrigo De Asis para sa kanyang ikatlong termino; at Leonard Beltran habang sa 2nd district ay ang broadcaster na si Floricadel Trilles.
Naghain din ng kanilang kandidatura sa ilalim ng Nacionalista Party sina dating Board member at Provincial Administrator Ret. BGen Rodolfo Alvarado na tatakbo bilang kinatawan ng 3rd district at Roberto Damian bilang kinatawan ng unang distrito ng lalawigan.
Bukod sa ipagpapatuloy ang mga programa ng gubernador, sinabi ni Alvarado na itutuloy din niya ang kanyang programa noon kaugnay sa kalikasan, maging ang pagpapahusay sa sektor ng edukasyon, kalusugan at agrikultura.
Dalawa namang independent candidate ang naghain ng kanilang kandidatura sa pagka-Board member sina Manuel Rosete sa 1st district at Fernando Asperela para sa 2nd district.
Sa kasalukuyan ay iisa pa lamang ang nakapaghain ng kandidatura sa pagka-gubernador sa katauhan ni Dr. Zarah Lara.
Samantala, iisa ang nakapaghain ng kandidatura sa Tuguegarao City sa katauhan ni Mark Angelo Dayag na tatakbo sa pagka-councilor bilang independent.
Sa ngayon, mayroon nang naghain na 11 para sa pagka-city councilor habang bukas, October 6 ay inaasahang may maghahain na para sa pagka-alkalde at bise-alkalde sa lungsod ng Tuguegarao.
Sa kasalukuyan ay naghihintay pa rin ang ibat-ibang COMELEC offices sa lalawigan para sa iba pang maghahain ng COC dahil hanggang October 8 pa naman ang huling araw ng filing ng kandidatura.